MANILA, Philippines — Ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling itinalaga niya si General Andres Centino bilang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa “seniority.”
Sa isang press briefing kasama ang mga media na nagko-cover sa World Economic Forum sa Switzerland, nilinaw ni Marcos ang naging palitan nina Centino si Lt. General Bartolome Vicente Bacarro.
Matatandaan na itinalaga ni Marcos si Bacarro, chief of staff ng AFP noon lamang Agosto 2022 pero agad itong napalitan ni Centino.
Ipinaliwanag ni Marcos na si Centino ay isang four-star general samantalang 3-star general naman si Bacarro.
“Nirarationalize namin ‘yung seniority. Kasi si General Andy Centino has 4 Stars. At si Bob Bacarro ay may 3 Stars. Kailangan nating ayusin kasi magkakagulo doon sa baba,” paliwanag ni Marcos.
Tiniyak ni Marcos na kinunsulta muna niya sa mga miyembro ng AFP ang ginawang hakbang saka inayos ang seniority.
“There were some comments that were mentioned, ‘paano ‘yan, kapag nag-extend extend, kami naman sa lower ranks wala na kaming pag-asa [ma-promote].’ Hindi naman tama ‘yon, so malo-low morale sila. So tinignan namin, anong gusto mong gawin namin? Nagtanong kami sa military. So ayusin namin ang seniority. Iyon ang ginawa namin,” ani Marcos.
Samantala, ipinaliwanag din ni Marcos kung bakit itinalaga niya bilang National Security Adviser si dating Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na ipinalit niya kay Clarita Carlos.
“Well, ‘yan isa pa. Very, very experienced and in fact as soon as he took his oath, he was already --- he knew already what to do. Nag-command conference na siya. So I think he’ll slide into that position really easily. Yeah, no problem,” sabi ni Marcos.