MANILA, Philippines — Patuloy sa pagtulong ang outreach team ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga nahihirapang Pilipino sa buong bansa at daan-daang solo parents, maging mga barangay healthcare workers (BHW) ang inayudahan sa isinagawang relief activity sa Libungan, North Cotabato.
Idinaos sa municipal gymnasium, ang mga tauhan ni Go ay namahagi ng mga kamiseta, meryenda, masks, bitamina at food packs sa kabuuang 401 benepisyaryo na binubuo ng solo parents at BHWs. Namigay din sila ng cellular phone, sapatos, at bola para sa basketball at volleyball.
“Asahan n’yo po na hindi po kayo pababayaan ng gobyernong palaging nagmamalasakit sa inyo. Ipaglalaban ko po palagi ang inyong kapakanan lalo na yung mga walang-wala — mga naghihirap, mga helpless at hopeless at walang ibang matakbuhan. Basta po patuloy lang tayong magtulungan dahil nais po namin siguraduhin na there should be no Filipino left behind towards recovery,” idiniin ni Go sa kanyang video message.
“I am very optimistic and hopeful na magiging maganda ang taon na ito para sa ating lahat. Huwag lang po kayong mawalan ng pag-asa at makababangon din tayo mula sa krisis na ito,” panghihikayat niya.
Pinayuhan ni Go, pinuno ng Senate committee on health and demography, ang mga nangangailangan ng pangangalaga sa kalusugan na lumapit sa Malasakit Center sa Cotabato Provincial Hospital sa Kidapawan City.
Si Go rin ang naging instumento ng pagtatayo ng Super Health Center sa Kidapawan City at sa mga bayan ng Banisilan, Libungan at Arakan - na personal niyang binisita noong Oktubre.
Ang Super Health Center ay mas pinahusay na bersyon ng isang rural health unit.