MANILA, Philippines — Masusing mino-monitor ng Department of Agriculture (DA) ang presyo ng itlog upang matukoy kung magpapatuloy ang pagtaas nito.
Batay sa price monitoring data ng DA, lumilitaw na ang presyo ng itlog sa ngayon ay nasa P7 hanggang P9, mula sa dating P6 noong nakaraang taon.
Ayon kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, upang matukoy kung magtutuluy-tuloy ang naturang trend ay kailangan nilang tingnan ang cost of production at tukuyin kung ito ang dahilan nang pagtaas ng presyo ng itlog.
“Para ma-determine natin kung ang presyo ng itlog ay tuluy-tuloy na tataas, we have to look into again the cost of production if that is the root cause,” pahayag pa ni Evangelista, sa news forum sa Dapo Restobar sa Quezon City, nitong Sabado.
Una nang sinabi ng Philippine Egg Board Association (PEBA) na nagkaroon nang pagbabawas ng produksiyon ng itlog sa bansa.
Tumaas kasi anila ang operating expenses para sa mga breeders, na resulta naman nang pagtaas ng presyo ng hatchling at chicken pellets.
Sinabi naman ni Evangelista na iimbestigahan din ng DA ang “layers of traders” upang matukoy kung ito ang sanhi nang pagtaas ng presyo ng itlog.