MANILA, Philippines — May 128 mga bagong kaso ng Omicron subvariant ang natukoy matapos i-sequence ang 137 samples ng UP-Philippine Genome Center at Southern Philippines Medical Center noong Enero 3 hanggang Enero 9, ayon sa Department of Health (DOH).
May 52 samples ang inuri bilang Omicron BA.2.3.20, 28 naman ang XBB, 13 ang XBC, 10 ang BA.5, at isang sample ay BN.1.
Sinabi ng DOH na ang iba pang 24 na kaso na natukoy ay itinuturing na “other Omicron subvariants.”
Sa 52 karagdagang kaso ng BA.2.3.20, 51 ay local cases mula sa Regions 1, 2, 3, 4A, 5, 6, 7, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region (NCR); habang ang natitirang kaso ay isang returning overseas Filipino (ROF).
Ang natukoy na kaso ng BN.1 kamakailan lang na iniulat sa ilalim ng BA.2.75, ay isang lokal na kaso mula sa Region 6.
Samantala, sa 10 bagong kaso ng BA.5, anim ang local cases mula sa Region 6 at 11, habang ang natitirang apat na kaso ay ROFs.
Sinabi ng DOH na lahat ng karagdagang kaso ng XBB at XBC ay mga lokal na kaso mula sa Rehiyon 1, 3, 4A, 6, 7, 11, CAR, at NCR.
Ang isang lokal na kaso ng variant ng Delta ay mula sa Region 3, na kinolekta sa kalagitnaan ng Disyembre 2022.