Presyo ng sibuyas, inaasahang bababa sa P120/kilo sa Pebrero
MANILA, Philippines — Inaasahan ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na posibleng bumaba ang mga presyo ng sibuyas sa Pilipinas ng hanggang P120 kada kilo sa Pebrero.
Ayon kay SINAG president Rosendo So, bunsod na rin ito nang inaasahang pag-aani ng humigit-kumulang 20,000 metriko tonelada ng sibuyas ng mga lokal na magsasaka sa susunod na buwan.
Sinabi pa ni So na ang farm gate price ng sibuyas ay maaaring bumaba sa P80-P100 kada kilo at maaaring maipagbili naman ito ng P120-P150 kada kilo sa mga retail store pagkatapos ng ani.
Batay sa monitoring ng Department of Agriculture (DA), sa kasalukuyan, ang presyo ng mga lokal na sibuyas ay nasa pagitan ng P400 at P600 kada kilo sa ilang wet markets.
Sinabi ni So na ang pagtaas ng presyo ay dulot ng hindi pag-aangkat ng gobyerno ng mga sibuyas noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag naman ni DA spokesperson Rex Estoperez na tumanggi silang mag-angkat ng sibuyas noon dahil maraming sibuyas ang nakukumpiska.
“Hindi tayo nag-import, pinabayaan natin nung Christmas, tumaas ang presyo, kasi may pumapasok na off-season harvest pero napakanipis na hindi makapagpa-pull down ng price natin,” paliwanag pa niya.
Kamakailan lamang ay inaprubahan na ng DA ang pag-aangkat ng 21,060 metriko toneladang sibuyas para mapababa ang pagtaas ng presyo nito sa merkado.
Sinabi ni Estoperez na inaasahan nilang darating ang mga inangkat na sibuyas sa Enero 27.
Gayunpaman, sinabi ni So na hindi garantiya ng importasyon na ibababa nito ang mga presyo dahil maaaring pansamantalang ilagay ito ng mga negosyante sa cold storage at ipagpaliban muna ang pagbebenta.
- Latest