MANILA, Philippines — Nagpasaklolo na sa pribadong sektor si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa gitna ng kanyang planong paigtingin ang paglaban sa talamak na smuggling sa bansa.
Sa isang pulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) sa Palasyo ng Malacañang sa Maynila noong Huwebes, nagpahayag nang pagkadismaya si Marcos dahil hindi masugpo ang smuggling.
Sinabi ni Marcos na bagaman at mayroong sistema, hindi naman ito gumagana.
“To be brutally frank about it, we have a system but they are not working. The smuggling here in this country is absolutely rampant. So it does not matter to me how many systems we have in place, they do not work,” ani Marcos sa PSAC.
Ayon sa Pangulo, dapat maghanap ng ibang paraan at hindi maaaring umasa sa kasalukuyang sistema na napatunayang hindi epektibo.
Ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ay dapat din anyang kumilos at maging mas “innovative” upang matugunan ang problema.
Ipinunto ni Marcos sa nasabing meeting ang pangangailangan na matugunan ang isyu ng “inefficiency” sa mga paliparan at daungan ng bansa.
Nais ng Pangulo na magkaroon ng reporma sa burukrasya upang masugpo ang smuggling, bawasan ang mga gastos sa logistica, at tiyakin na maging madali ang pagnenegosyo sa bansa.
Ang pagbubukas ng database sa Bureau of Customs at Department of Agriculture ay isa sa mga rekomendasyon na ginawa sa pagpupulong ni Marcos sa PSAC upang matiyak ang “efficient sharing of information.”