2 Omicron subvariants na mas mabilis makahawa, binabantayan ng DOH

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na patuloy na binabantayan sa bansa at sa iba pang panig ng mundo ang laganap na Omicron subvariants na mas mabilis makahawa.

Sa isinagawang forum nitong Biyernes, sinabi ni DOH-Epidemiology Bureau Director IV Dr. Alethea De Guzman na ang dalawang subvariants na mino-monitor nila ay ang BQ.1. at BA.2.75.

“Based on sequence submission, meron ta­yong dalawa na subvariant na Omicron na binabantayan dahil ang kanilang prevalence, pagtinotal natin lahat ‘yung kanilang contribution sa lahat na na-sequence natin na samples, they accounted for more than 5% globally. That’s a lot considering ang dami ng subvariants ng Omicron,” paliwanag ni De Guzman.

Sinabi pa ng opisyal ng DOH na ang BQ.1.1 ay halos 14%, habang ang BA.2.75 ay humigit-kumulang 17% ng prevalence.

“Ibig sabihin continuously nag-occur pa rin siya hindi siya masyadong napapalitan ng bagong subvariants at ito pa rin ‘yung mas madalas nating nakikita na mga subvariants,” paglilinaw niya.

Noong Oktubre 2022, sa pagtantiya ng US health regulators, ang BQ.1 at ang malapit na nauugnay na BQ.1.1 ay umabot sa 16.6% ng mga variant ng coronavirus sa bansa, habang inaasahan ng Europe na sila ang magiging dominanteng mga variant sa loob ng buwang iyon.

Una nang sinabi ni Dr. Rontgene Solante na ang BA.2.75 ay mas madaling maililipat at maaaring makaiwas sa kasalukuyang mga bakunang magagamit laban sa sakit na coronavirus.

Apat sa walong Pinoy na dumating sa bansa mula China nitong kapaskuhan ang nagpositibo sa COVID-19 at nakitaan ng impeksyon ng Omicron subvariants BF.7 at BA.5.2.

Show comments