MANILA, Philippines — Malabong cyber-attack ang naging dahilan ng aberya sa air traffic management system (ATMS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Bagong Taon.
Ito ang sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) executive director Manuel Tamayo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe.
Ayon kay Tamayo, lumalabas sa parallel investigation ng Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) ng CAAP noong Enero 3 na unlikely na cyberattack ang dahilan ng NAIA glitch.
Sa kabila naman ng findings, sinabi ni Tamayo na ibinigay pa rin ng CAAP sa CICC para sa kanilang forensic prove ang circuit breaker at power transport switch ng ATMS.
Ang CICC ay attach agency ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa pagdinig ng Senado ay ipinaliwanag ni Tamayo ang nangyari noong Enero 1 gamit ang isang power point presentation pinakita niya na pumalya ang isa sa mga circuit breaker dahil sa over voltage ng kuryente na na-detect ng dalawang uninterruptible power system (UPS) na otomatikong nag-shutdown para maiwasan ang mas malaking pinsala sa system.
Humingi naman si Tamayo ng paumanhin sa mga taong naabala at naapektuhan ng insidente.
Aniya, magsisilbi itong leksyon sa CAAP at inaako nila ang responsibilidad at accountability.