Amyenda sa 3 year fixed-term ng AFP officials ikinasa ng Senado
MANILA, Philippines — Tatalakayin na sa Senado ang pag-amyenda sa panukala ng nagtatakda ng tatlong taong ‘fixed-term’ sa mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa Enero 17 itinakda ni Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation Chairman Sen. Jinggoy Estrada ang pagdinig para sa target na pag-amyenda sa Republic Act No. 11709.
Sa ilalim kasi ng bagong batas, maaapektuhan o mapipigilan ang promosyon ng mga nasa baba na military officers kaya naman nais itong paamyendahan ng Kongreso.
Posibleng i-adopt ng Senado ang bersyon ng Kamara ng panukalang amyenda sa bagong batas at posible na isang pagdinig lang ang gawin dito ng mga senador.
Unang pinagtibay sa Kamara ang panukalang amyenda sa 3-year fixed term ng mga top officials ng hukbong sandatahan noong nakaraang taon matapos na sertipikahan itong urgent ng Pangulo.
Naniniwala ang mambabatas na posibleng makatulong ang amyenda sakaling may gulo sa AFP.
Sa bersyon ng Kamara na panukalang amyenda, tuloy ang ‘three year fixed term” sa mga matataas na opisyal ng AFP kasama rito ang Chief of Staff pero bibigyan na ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na i-terminate o tapusin ang appointment kung kinakailangan.
Papayagan na ang lateral movement sa Vice Chief Of Staff, Deputy Chief of Staff, Unified Command Commanders at Inspector General AFP.
- Latest