MANILA, Philippines — Imbis na makabuti, nangangamba ang ilang magsasakang malugmok lalo ang lokal na agrikultura sa plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-angkat ng sibuyas bilang tugon sa P600/kilong presyo nito sa merkado at "kakulangan sa suplay."
Martes kasi nang isapubliko ang utos ng Department of Agriculture — na pinamumunuan ni Marcos Jr. — na maglabas ng import clearances para sa 21,060 metrikong toneladang sibuyas, bagay na dapat dumating bago ang ika-27 ng Enero.
Related Stories
"DA is burying alive the domestic agriculture especially small-scale farmers and food producers. Habang nananawagan ng pagpapalakas ng lokal na agrikultura at food self-sufficiency ang mga magsasaka, importasyon lang ang alam na gawin ng DA," wika ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Emeritus Rafael Mariano, Miyerkules.
"Paano nangyari na noong 2021 hanggang early 2022 ay bagsak ang presyo ng sibuyas, nabubulok at itinatapon na dahil hindi maibenta. Pagkaupo ni Marcos Jr., biglang sumirit pataas ang presyo ng sibuyas. Nangibabaw ang kartel sa pagma-manipulate ng suplay at presyo."
Dagdag pa ng KMP, ilang beses nang napatunayang hindi epektibo sa pagpapababa ng presyo ng malakihang importasyon. Ginawa na raw ito sa ilalim ng Rice Tariffication Law, tariff reduction at malakihang importasyon ng karne noong kasagsagan ng African Swine Fever.
Una nang lumabas na ang sibuyas na ibinebenta sa Pilipinas ang pinakamahal ngayon sa buong mundo, bagay na umabot sa P300/kilo noon pang Setyembre 2022.
Sa kabila niyan, ngayong Enero pa inilabas ang importation order ng DA — ilang araw bago ang simula ang anihan ng mga magsasakang Pinoy. Umabot pa ito sa hanggang P720/kilo noong Disyembre 2022.
'Import dependency pataas nang pataas'
Ayon sa datos na ibinigay nina Mariano, na dating secretary ng Department of Agrarian Reform, kapansin-pansing dire-diretso ang pagtaas ng pagdepende ng Pilipinas sa dayuhang sibuyas nitong mga nagdaang mga administrasyon.
- 2016-2019 (Duterte) 29.08%
- 2010-2015 (Aquino III) 8.62%
- 2004-2009 (Arroyo) 22.98%
- 1998-2003 (Estrada, Arroyo) 13.73%
Matapos mag-import ng Pilipinas ng "mahigit doble" sa bolyum ng sibuyas noong 2020, kapansin-pansin daw na bumaba ang lokal na produksyon pagpasok ng 2021.
"Overall, decades of agricultural trade liberalization since the country's entry into the WTO-Agreement on Agriculture did not lower the prices of goods nor improved the local production," wika pa ng peasant leader.
"It only tied our agriculture production and consumption to import dependency."
Kanina lang nang sabihin ni Ombudsman Samuel Martires na tinitignan na ng kanyang tanggapan ang posibilidad ng "sabwatan" sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at pribadong sektor pagdating sa pagbili ng DA at Food Terminal Inc. mula sa isang Nueva Ecija cooperative.
Nangyayari ang lahat nito matapos umabot sa 8.1% ang inflation rate nitong Disyembre 2022, ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa lagpas 14 taon.