MANILA, Philippines — Umabot na sa 10 katao ang nasawi buhat ng low pressure area (LPA) kamakailan na nakaaapekto sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao na siyang nagsimula pa noong ika-2 ng Enero.
Ito ang ibinahagi ng Office of Civil Defense (OCD), Miyerkules, matapos umabot 291,826 katao ang naaapektuhan sa naturang masungit na panahon:
- patay (10)
- sugatan (4)
- lumikas (3,224)
Una nang naibalitang umabot sa 11 ang namamatay, ngunit binawasan matapos mapag-alamang dahil ito sa localized thunderstorms sa Capiz noong ika-31 ng Disyembre at hindi dahil sa LPA.
Ang naturang weather system ay sinasabing nakaapekto na sa:
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Bicol Region
- Western Visayas
- Central Visayas
- Northern Mindanao
- Davao Region
- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao
Iba pa ang 10 namatay sa LPA sa 52 nasawi, 18 nawawala at 18 sugatan dulot ng shear line na nakaaapekto rin sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Daan-daang milyong pinsala
Dahil sa sama ng panahon, pumalo na sa P153.06 milyong halaga ang napinsala sa sektor ng imprastruktura.
Hiwalay pa ito sa P111.73 milyong halaga ng pinsalang naidulot naman sa agrikultura. Umabot din sa 487 kabahayan ang na-damage.
Kasalukuyang inilagay na ang Tubod, Lanao del Norte sa ilalim ng state of calamity dahilan para magpatupad ng automatic price free sa mga pangunahing mga bilihin doon.
P11.93-milyong tulong naipamahagi
Bilang tugon, nakapag-abot na ng P11,931,324 halaga ng assistance sa mga nasalanta ng LPA.
"OCD Regional Office and Local DRRMOs [are continously coordinating] and monitoring," dagdag pa ng government agency sa isang pahayag.
"Search and Rescue teams and operations deployed and ongoing."
Kasalukuyan namang naka-activate ang regional emergency operations centers at nakapag-broadcast na ng emergency alert at warning messages.