MANILA, Philippines — Tila may bahid hinanakit si dating Department of National Defense (DND) officer-in-charge Jose Faustino Jr., nang magbitiw ito sa puwesto nitong Martes nang malamang ibinalik bilang Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff si Gen. Andres Centino.
Sa kanyang statement, sinabi ni Faustino
na nalaman niya nitong nakaraang Linggo sa social media ang panunumpa ni Centino kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“With the utmost respect, I submitted my irrevocable letter of resignation to the President, His Excellency Ferdinand R. Marcos Jr., on Friday, January 6, 2023, after learning only from news and social media reports that an oath of office of the new Chief of Staff, AFP had taken place at Malacañang,” ani Faustino.
Itinalaga ni Marcos si Centino kapalit ni Lieutenant General Bartolome Bacarro na limang buwan na lamang sa serbisyo.
Ayon kay Faustino, hindi niya papayagang mabahiran ang reputasyon ng AFP at magamit sa pamumulitika.
Mataas ang kanyang respeto sa organisasyon kaya minabuti niyang magsakripisyo at magbitiw.
Hangad niya umano ang tagumpay at pagkakaisa at buo pa rin ang kanyang suporta kay Pangulong Marcos. Masaya anya siyang nagsilbi sa DND bagaman OIC lamang.
Pumalit naman kay Faustino bilang DND Secretary si dating Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr.
Samantala, sinabi naman ni DND spokesperson Arsenio Andolong na nagkausap na sina Faustino at Pangulong Marcos nang isumite nito (Faustino) ang kanyang resignation. Nilinaw din ni Andolong na walang “mass resignation” sa DND
Aniya, ang lahat ng co-terminous appointees ay dapat na maghain ng kanilang courtesy resignation sa pagpapalit ng liderato.
Kasabay nito, sinabi ni Faustino na hindi bababa sa pito hanggang siyam pang opisyal ng DND ang nagbitiw din.