Grab, ipinatawag ng LTFRB sa isyu ng surge fee
MANILA, Philippines — Sasalang ngayong araw sa pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang opisyal ng ride-hailing app na Grab Philippines kaugnay ng umano’y kanilang taas-singil sa pasahe.
Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na inaasahan niyang makakadalo sa ipinatawag na pagdinig ang mga opisyal ng Grab upang magpaliwanag sa sinasabing surge fee.
“Dapat silang dumalo sa hearing bukas para ipaliwanag nila sa publiko ang alegasyon ng paniningil nila ng labis,” pahayag ni Chairman Guadiz.
Una ng ipinatawag ang Grab noong nakaraang Disyembre subalit hindi nakasipot ang kanilang kinatawan.
Sa reklamo ng ilang mga pasahero, pumapalo umano sa P85.00 ang awtomatikong singil ng Grab mula sa P45.00 na kahit hindi rush hour at short distance lamang ang biyahe at sinasabing ito ay wala pang pahintulot ng LTFRB.
Kamakailan ay nagsabi si LTO Chief Jay Art Tugade na parurusahan ang mga nagsasamantala sa mga pasahero o nagsasagawa ng ‘overcharging’ .
Sinabi naman ng Phillippine Competition Commission (PCC) na wala pa silang nailalapat na parusa sa surge fee issue dahil hindi pa umano naibabalik ang kabuuang P25-M refund sa Grab Passengers.
Umaabot pa lamang anya sa P18 milyon ang nai-refund ng Grab mula 2018 hanggang sa kasalukuyan.
- Latest