Nasa 600 colonel, heneral nagsumite ng courtesy resignation – Azurin
MANILA, Philippines — Nasa 600 police colonels at generals na ang nagsumite ng kani-kanilang courtesy resignation bilang tugon sa apela ni Interior Secretary Benhur Abalos bunsod na rin ng usapin sa illegal drug trade.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na ang nasabing bilang ay mula sa iba’t ibang rehiyon at iba’t ibang unit ng PNP. Inaasahan pa nila ang iba na maghain ng resignation para sa kabuuang bilang na 956 mga full colonels at generals.
Ayon kay Azurin, lahat ng datos ay dadalhin sa PNP headquarters at isusumite sa 5-man committee na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sinabi naman ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, hinihintay na lamang nilang mabuo ang 5-man team para masimulan ang evaluation at assessment at malinis ang hanay ng pambansang pulisya.
Enero 5 nang manawagan ng courtesy resignation si Abalos sa lahat ng 3rd Level Officers ng PNP bilang ‘radical’ na tugon laban sa iligal na droga.
Ito ngayon ang nakikitang paraan ni Abalos upang malaman kung sinong mga senior officers ng PNP ang protector at sangkot sa recycling at bentahan ng droga.
Samantala, sinabi ni Azurin na kasama pa rin siya sa isasagawang imbestigasyon pagkatapos ng kanyang pagreretiro sa Abril. Aniya, hangga’t hindi siya o sila naki-clear ng 5-man committee, hindi nila makukuha ang kanilang mga pensiyon at ibang benepisyo.
- Latest