MANILA, Philippines — Naka-heightened alert ngayon ang Philippine National Police (PNP) para sa Kapistahan ng Itim na Nazareno na inaasahang dadagsain ng mga deboto.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, nakaalerto na ang lahat ng unit upang maging maayos ang selebrasyon ngayong araw ng Pista ng Nazareno. Wala anyang dapat na ipangamba dahil ang peace and order situation ay kontrolado ng PNP.
“On the part of the PNP, what we can confirmed po naka-heightened alert ang PNP because as everybody must know po nagsimula na po itong security coverage para sa pagbabalik nitong Traslacion dyan sa Manila particularly sa paligid ng Quirino Grandstand at Quiapo Church,” sabi ni Fajardo.
Aniya, maaga pa lamang ay maraming pulis na ang ipinakalat sa buong lungsod ng Maynila partikular na sa paligid ng Quirino Grandstand at Quiapo Church na inaasahang dadagsain ng maraming deboto lalo na’t dalawang taon din ang nakalipas na hindi ito natunghayan ng ating mga kababayan.
Kabilang sa mga idineploy ang Special Action Force (SAF) at Explosive Ordinance Disposal and Canine Group (EOD-K9).
Layunin nito na siguraduhin ang kaligtasan at kapayapaan mula sa pagsisimula ng taunang okasyon hanggang sa pagtatapos nito.
Una rito ay nilinaw na rin ng mga otoridad na ang mga kumakalat na larawan at video ng mga tangke sa loob ng PNP-National Headquarters sa Kampo Crame sa Quezon City ay bahagi rin ng kanilang isinasagawang paghahanda para sa nasabing pagtitipon.
Kung maaalala, noong Disyembre 15, 2022 ay nagdeklara rin ng “full alert status” ang buong hanay ng kapulisan para naman sa kampanya nitong Ligtas Paskuhan 2022
Samantala, sinabi ng Globe na ipaaalam nito sa mga customer nito sa pamamagitan ng SMS kung magkakaroon ng mga service interruptions sa [Quirino Grandstand at sa Quiapo Church] area.
Sinabi naman ng Smart na wala silang natanggap na order para sa cellular shutdown.
Ilang kalsada na ang isinara sa trapiko dahil sa aktibidad ng Nazareno 2023.
Matatandaang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Enero 9, bilang isang espesyal na araw na walang pasok sa Lungsod ng Maynila para sa pagdiriwang ng Pista ng Nazareno.