MANILA, Philippines — Magbibigay ng libo-libong trabaho para sa mga filipino ang resulta ng naging state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang state visit sa Beijing, China kamakailan.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), naging matagumpay ang tatlong araw na biyahe ni Marcos sa China at mismong ang Pangulo na rin ang nagsabi na magbubukas ng maraming trabaho para sa mga Filipino.
Ito umano ang bunga ng state visit ng Pangulo sa naturang bansa.
“It’s certainly going to produce many, many jobs, when the investments come into play, when they start their operations,” sinabi pa ni Marcos.
Tinukoy ng Pangulo ang ilan sa mga investment na ito na nagtayo na ng kanilang mga tanggapan sa Pilipinas at nagpoproseso na ng kanilang business permits para masimulan na ang pamumuhunan.
Nasa $22.8 billion investment pledges ang naiuwi ng Pangulo sa bansa matapos makipagpulong sa Chinese business leaders sa tatlong araw na state visit nito sa China.
Idinagdag pa ni Marcos na nagsisimula na ng training at capacity building ang ilan sa mga ito para sa pagsisimula ng kanilang negosyo dito sa Pilipinas at ilan sa mga bagong bubuksan ay ang industriya ng pagproseso ng minerals, battery production gayundin ang electric vehicle production.