MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na bababa na ang presyo ng fertilizer sa bansa dahil sa mga nakuhang kasunduan sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China.
Ayon sa Malacañang, mababawasan ang presyo ng pataba at malaking tulong ito sa mga magsasaka at pagtiyak ng food security.
Dalawang Chinese fertilizer-manufacturing company ang pumirma kamakailan ng cooperation agreement sa Philippine International Trading Corp. (PITC) para matiyak ang suplay sa makatwirang presyo.
Nauna nang sinabi ni Marcos na inasahan na nila ang tuluy-tuloy na supply ng fertilizer inputs na kailangan ng mga magsasaka.
Sa kanyang tatlong araw na pagbisita sa estado sa China, nakakuha rin si Marcos ng USD2.09 bilyon na “purchase intentions” para sa mga prutas ng Pilipinas, tulad ng durian, niyog, at saging.
Binigyang-diin niya na ang economic fundamentals ng Pilipinas ay “nananatiling matatag at patuloy na umuunlad”.