DOH: Halos 300 katao nadisgrasya na nitong Bagong Taon 2023

Fireworks light up the sky in Manila to celebrate during New Year celebrations on January 1, 2023.
AFP/Jam Sta. Rosa

MANILA, Philippines — Limang araw matapos ang ika-1 ng Enero, patuloy pa rin sa pagpasok ang mga kaso ng kumpirmadong nasabugan ng paputok bago, habang at matapos ang New Year — bagay na 55% mas marami kumpara noong nakaraang taon.

Ito ang ibinahagi ng Department of Health (DOH), Huwebes, patungkol sa patuloy nilang pagmamatyag sa mga fireworks-related injuries mula ika-21 ng Disyembre hanggang ika-5 ng Enero 2023.

"Mula kahapon, Jan.4, labing-apat (14) ang naitalang bagong kaso ng fireworks-related injury mula sa 61 na DOH sentinel hospitals," sabi ng kagawaran sa isang pahayag kanina.

"Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pinsala dulot ng paputok ay nasa dalawandaan at siyamnapu't isa (291) na mas mataas ng limampu't limang porsyento (55%) kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa sakop na petsa." 

Bagama't lagpas kalahati ang iniangat nito kumpara sa mga kaso noong New Year 2021, ibinalita ng Kagawaran ng Kalusugan na 8% itong mas mababa kumpara sa five-year average sa parehong time period.

Metro Manila pa rin ang nangunguna sa bilang ng mga injuries (135), bagay na sinundan ng Western Visayas (33) at Ilocos Region (29).

Narito ang top 5 causes ng mga pagkakadisgrasya sa ngayon:

  • kwitis (61)
  • boga (33)
  • 5-star (23)
  • hindi pa tiyak (18)
  • fountain (17)

Nananatiling nag-iisa pa lang ang kaso ng tinamaan ng ligaw na bala nitong Bagong Taon habang wala pa ring naiuulat na fireworks ingestion sa kabutihang palad. 

Sa mga parte ng katawan, ito pa rin ang kadalasang madali:

  • kamay (105)
  • mata (80)
  • ulo (39)
  • binti (37)
  • braso (33)

Nasa 79% o 231 kaso ang nanggaling sa mga kalalakihan, habang ang pinakabatang biktima ay 1-taong-gulang.

"Majority (162, 56%) cases occurred in the street, while 121 (42%) occurred at home," dagdag pa ng DOH.

"Forty-nine (17%) cases were allegedly intoxicated with alcohol at the time of injury."

Una nang sinabi ng gobyerno na posibleng tumaas nang ganito ang bilang ng mga naaaksidente dahil sa mahihigpit na COVID-19 restrictions at lockdowns noong 2020 at 2021, dahilan para bumawi sa mga selebrasyon ang marami ngayong taon. — James Relativo

Show comments