^

Bansa

Facebook takedown sa KMU, BAYAN, Anakbayan kinastigo bilang 'censorship'

James Relativo - Philstar.com
Facebook takedown sa KMU, BAYAN, Anakbayan kinastigo bilang 'censorship'
Protesters raise their fists and placards during a demonstration in observance of the International Human Rights day in Manila on December 10, 2022.
AFP/Jam Sta. Rosa

MANILA, Philippines — Binanatan ng ilang progresibo ang sunud-sunod na pagkakawala ng kanilang pages sa Facebook nitong mga nakaraang araw, bagay na nakikita nilang censorship sa mga lehitimong kritiko ng gobyerno.

Ngayong Huwebes lang nang mawala sa social networking site ang pahina ng labor center na Kilusang Mayo Uno, habang Miyerkules naman nang ma-down ang sa Bagong Alyansang Makabayan. Nangyari ito matapos i-shutdown ang Anakbayan page noong ika-29 ng Disyembre.

"Our Facebook page has been disabled on the basis of arbitrary accusations of violating guidelines on 'dangerous individuals and organizations,'" sabi ng BAYAN sa isang tweet kanina.

"This came after posts related to Prof. Jose Ma. Sison were flagged last year. We strongly condemn this form of censorship."

Sa litratong ipinakita ni Renato Reyes Jr., secretary general ng BAYAN, sa Philstar.com., kasalukuyang nasa review ang kanilang pahina kung kaya't kailangan daw itong tignan ng mga kinauukulan.

Matagal nang nangunguna sa laban kontra katiwalian, human rights violations at pagpapataas ng sahod ang tatlong magkakaalyadong grupo. Sa kabila nito, ilang dekada na silang iniuugnay ng gobyerno sa rebeldeng Communist Party of the Philippines at New People's Army kahit na sila'y ligal na mga aktibista.

"We join KMU, Anakbayan and other voices silenced by Facebook’s sham guidelines that seek to suppress dissent while giving a free pass to human rights violators and fake news peddlers. We will return online and continue to fight censorship and repression," dagdag pa ng BAYAN.

Nangyayari ito ilang buwan matapos i-block ng gobyerno ang website ng BAYAN noong Hunyo 2022, kung saan damay din ang ilang sites ng mga aktibista at news websites gaya ng Bulatlat at Pinoy Weekly.

Pati personal accounts 'ni-lock'

Maliban sa pagtatanggal ng mga naturang pages, damay din daw sa takedown pati ang personal na FB accounts ng mga administrators at editors buhay diumano ng "unauthorized access" sa kanilang accounts, sabi ng KMU.

"Walang anumang abiso ang Facebook hinggil sa pagpapasara nang tuluyan sa KMU FB page," sabi ng grupo ng mga militanteng manggagawa.

"Ang Facebook page ng Kilusang Mayo Uno ay isa sa primaryang daluyan ng balita at impormasyon ng mga manggagawa hinggil sa mga isyu at usaping kanilang kinahaharap. Ilang taon na itong nakatindig sa layuning salaminin at pagsilbihan ang interes ng uring manggagawa."

Dagdag pa ng KMU, ang ginagawa sa kanilang hanay ay katumbas ng pambubusal sa boses ng kilusang paggawa.

Gaya ng BAYAN, tinanggal din muna ng FB ang mga paskil nila patungkol kay Prof. Jose Maria Sison, founder ng CPP, na pinaghahawalawan ng ilang aktibista ng mga aral patungkol sa lipunang Pilipino. Paglabag daw kasi ito sa "community standards."

Mayo 2021 lang nang ideklara ng Anti-Terrorism Council si Sison bilang isang "terorista" kabilang ang 29 iba pa. Sa kabila nito, matatandaang ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 19 ang petisyon para ideklara ang CPP-NPA bilang iligal at teroristang grupo.

Ang KMU, BAYAN at Anakbayan ay hindi humahawak ng armas laban sa gobyerno.

Fake news safe sa 'online Martial Law'?

Imbis na puntiryahin ang mga kritikong naggigiit ng demokratikong karapatan, binanatan naman ng KMU ang FB sa pamamayagyag ng mga nagpapalaganap ng pekeng impormasyon, pagbabaluktot ng kasaysayan, harassment at pananakot sa kanilang espasyo.

"Walang ginagawa ang Facebook hinggil dito. Sa halip, pinupuntirya ang mga lehitimong organisasyon at samahang nagtataguyod sa kabutihan ng ordinaryong Pilipino," dagdag pa ng mga obrero.

"Kaya't malinaw sa amin kung sino ang mga nasa likod ng pagpapatanggal ng aming page. Ang nangyayari ngayon ay para bang online Martial Law ng rehimeng Marcos Jr."

Matatandaang nagpatupad ng malawakang censorship at pagsikil sa karapatang pantao ang diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Simula 1972 hanggang 1983, umabot sa 70,000 ang kinulong, 34,000 ang tinorture habang 3,200 naman ang pinatay kaugnay ng Batas Militar, ayon sa datos ng Amnesty International.

"Tuloy lamang tayo sa paglaban, hindi tayo magpapatinag at mapapatahimik! Nananawagan kami sa aming kapwa manggagawa at labor rights advocates sa buong bansa pati sa ibayong dagat, malakas nating kundenahin ang atakeng ito at ipanawagan ang kagyat na pagbabalik ng KMU page," sabi pa ng mga manggagawa.

"Ipatambol at paingayin pa natin lalo ang mga isyung kinakaharap ng manggagawang Pilipino."

ACTIVISM

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN

BONGBONG MARCOS

CENSORSHIP

FACEBOOK

KILUSANG MAYO UNO

RED-TAGGING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with