MANILA, Philippines — Target ng Department of Agriculture (DA) na mapababa ng mula P170 hanggang P80 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa merkado ngayong taon.
Ayon kay DA Assistant Secretary at spokesperson Kristine Evangelista, inaasahan nilang magiging mas maayos na ang suplay ng sibuyas sa bansa ngayong taon lalo na at malapit na ang anihan at naglagay na rin sila ng mas maraming cold storage facilities sa mga istratehikong lugar upang pahabain pa ang shelf life ng naturang produkto.
Gayunman, nais din aniya ng DA na magkaroon ang mga magsasaka ng price points upang maging stable ang farmgate prices sa buong taon.
Inaasahan din ng DA na sa kalagitnaan ng Enero 2023 ay bababa na ang presyo ng sibuyas dahil sa pagsisimula ng harvest season.
Aniya, plano rin nilang makipagpulong muli sa mga stakeholders bago magdesisyon sa presyo ng sibuyas, ngunit nais aniya nilang nasa P200 kada kilo o mas mababa pa ito.
“January 15 is the start of harvest. Of course the peak is March and April, but with the better supply, then we can see prices going down,” ani Evangelista.
Noong Huwebes, una nang itinakda ng DA sa P250 ang suggested retail price (SRP) kada kilo ng pulang sibuyas sa mga wet markets sa National Capital Region (NCR), matapos na tumaas ang presyuhan nito sa P720 kada kilo. Magtatagal ang pag-iral ng SRP hanggang sa unang linggo ng Enero 2023.