Mga naputukan, umakyat sa 211
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 211 ang mga biktima ng paputok makaraang madagdagan kahapon ng 74 pa ang mga datos ng mga naputukan sa pagsalubong sa Bagong Taon, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa kasalukuyan, mas mataas ang 211 insidente ng 16% kumpara sa naitala noong nakaraang taon mula Disyembre 21 hanggang Enero 2. Ang ulat ay mula sa 16 na sentinel hospitals ng DOH.
Noong 2021, nakapagtala lamang ng 182 insidente ng biktima ng paputok sa parehong petsa.
Dahil dito, muling nagpaalala ang DOH sa mga Pilipino para makaiwas na mabiktima ng paputok. Kabilang dito ang tamang paglilinis sa mga naiwan na mga kalat ng mga paputok at pagbabantay sa mga bata.
“Huwag nating pulutin gamit ng kamay ang mga makikitang natirang mga paputok sa daan, at bantayan ang mga chikiting para hindi nila isubo o paglaruan ang mga ito,” ayon sa DOH.
Kung nasugatan man dahil sa paputok, dapat pumunta agad sa pinakamalapit na health facility upang mabigyan ng tamang lunas.
Patuloy na magmo-monitor ang DOH ng mga insidente ng biktima ng paputok hanggang Enero 6 na lamang.
- Latest