137 sugatan sa paputok - DOH

Healthworkers treat a minor firecracker-related injury at the East Avenue Medical Center in Quezon City after the New Year celebration on January 1, 2023. (Photos by /The Philippine STAR)
STAR/Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Nakapagtala ng 85- fireworks related injuries o mga naputukan ang Department of Health (DOH) nitong pagsalubong sa Bagong Taon.

Dahil dito, umakyat na kahapon ang bilang ng mga naputukan sa 137 nitong Enero 1 mula noong Disyembre 21, 2022.

Mas mababa naman ito ng 15% kumpara sa naitala na 162 noong 2021 at 46% mas mababa sa limang taong average ng naputukan na naasa 256.

“Kumpara noong na­ka­raang taon, mas mara­ming kaso ang naitala sa kalsada kaysa sa bahay ngayong taon. Marahil dahil ito sa increased mobility at pagluwag ng ating mga COVID restrictions,” ayon kay DOH officer-in-charge secretary Maria Rosario Vergeire.

Pinakamarami pa rin na naputukan sa National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng 64 o 10% pagtaas kumpara noong 2021 habang nakapagtala ang Region 5 ng 28% pagtaas sa bilang ng naputukan. Bumaba naman o walang pagbabago sa iba pang mga rehiyon.

Karaniwang biktima ng paputok ang mga lalaki na nakapagtala ng 107 (78%) habang nasa pagitan ng edad 14 hanggang 16-taong gulang ang mga napuputukan.

Anim na biktima ang kinailangang putulan ng daliri dahil sa tindi ng pinsala, 41 ang napinsala ang mata, habang 92 ang nagkasugat na hindi kailangan na maputulan.

Ngayong taon, na­ngu­nguna ang boga at kwitis sa pinakamara­ming nabiktima na naitala sa tig-26 kaso (19%); kasunod ang 5-star na may 14 (10%); whistle bomb, 9 kaso (7%); at Super Lolo, 8 kaso (6%).

Show comments