Pres. Marcos sa mga Pinoy
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Filipino na pagsikapang labanan ang mga sariling pagsubok para sa mas matatag na kinabukasan at para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
Ito ang sinabi ni Marcos sa kanyang mensahe sa paggunita sa ika-126 anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal na ating pambansang bayani.
Maagang dumating ang Pangulo sa bantayog ni Gat Jose Rizal sa Rizal Park, kasama si First Lady Louise Araneta-Marcos at tatlong mga anak para mag-alay ng bulaklak.
Kasama rin na dumalo sa simpleng seremonya sa Luneta ang mga opisyal ng gobyerno kabilang na si National Historical Commission of the Philippines Chairman Dr. Rene R. Escalante, gayundin ang mga kinatawan ng Rizal Day Technical Working Committee members, members ng diplomatic corps, mga lokal na opisyal at mga kaanak ni Rizal.
Sa pahayag ng Pangulo, sinabi niya na nakikiisa siya sa sambayanang Pilipino sa paggunita sa anibersaryo ng kamatayan ng dakilang bayani ng bansa at hangad na patuloy na isaisip ang legasiyang iniwan nito para sa mga tao.
Manatili rin sana na maging ehemplo sa mamamayan ang ipinakitang kabayanihan ni Rizal para sa tunay na pagbabago at mas magandang kalagayan ng lipunan.
“May Rizal’s determination to achieve a real change empower the Filipinos of today to become vigilant of the social ills that may threaten our liberty. May he continue to become a role model for us who aspire to import our knowledge and dedicate our abilities to the betterment of society,” ayon pa sa Pangulo.
Ang pagiging bayani rin umano ay hindi lamang para ialay ang buhay para sa bansa kundi ang tagumpay na paglaban sa sariling mga pagsubok at maging isang mas makabuluhang mamamayan para sa mas magandang kinabukasan.
“After all, true heroism does not only mean offering your life to your country, but also fighting your own silent battles and working within your capabilities to bring about a better future we wish to see for the present and succeeding generations, ” giit pa ni Marcos.