MANILA, Philippines — Pag-uusapan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang magiging panuntunan ukol sa border control sa mga biyahero na mula sa China kasunod ng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa kanila.
Anumang mapagkakasunduan sa pulong ay ihahain kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa rekomendasyon at approval nito.
Habang wala pang nailalabas, nananatili ang panuntunan ng IATF na magpakita ang dayuhang biyahero na hindi pa “fully-vaccinated” ng negatibong RT-PCR test bago bumiyahe at pagkalapag sa bansa.
Para mapalakas ito, inatasan ng DOH ang Bureau of Quarantine na pagtibayin ang quarantine protocols kabilang ang “surveillance” sa lahat ng biyaherong may sintomas ng “respiratory ailment” lalo na ang mga galing ng China.
Kabilang din ang pagsusuri sa Maritime Declaration of Health at Aircraft General Declaration, at mga ulat sa natutukoy na pasahero na may sintomas kapag dumaraan sa “arrival screening” at iba pang impormasyon.
“Meanwhile, the DOH will continue to monitor global situation and will announce further developments in the coming days,” ayon pa sa DOH.