MANILA, Philippines — Pinagsabihan ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) ang publiko na maging sensitibo sa mga sakit na hika at iba pang “respiratory illness” na karaniwang umaatake tuwing Bagong Taon dahil sa walang pakundangan na pagpapaputok.
Sinabi ni PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano na karaniwang tumataas ang kaso ng mga asthma at iba pang sakit sa baga lalo na pagkatapos ng putukan dahil sa kapal ng usok na iniwan ng mga nagpaputok.
“Ito ay masamang masama doon sa may mga asthma, sa mga may respiratory illness,” ayon kay De Grano.
Para sa mga may karamdamang ito, pinayuhan sila ng doktor na magsuot ng face mask kung hindi maiiwasan na lumabas ng bahay sa oras ng putukan at maging pagkatapos ng mga fireworks display.
“Iwasan na po natin kung maaari itong paputok nang sa ganun ay hindi pa ito dumagdag sa ating mga problema later on in the coming year. Huwag na tayong magpaputok nang sa ganun ay mas ligtas tayo,” saad ni De Grano.
Sinabi rin niya na nakaalerto na ang mga pribadong ospital sa buong bansa dahil sa inaasahan na pagdami ng mga kaso ng naputukan dulot ng mas maluwag na restriksyon ngayon ng pamahalaan sa COVID-19.