'Boga,' eye injuries numero uno ngayong 32 naputukan bago New Year

A vendor sells firecrackers along Mc. Arthur Highway in Mabalacat Pampanga on December 28, 2020.

MANILA, Philippines — Iligal na uri ng paputok pa rin ang nauuna sa listahan ng mga nakadisgrasya tatlong araw bago ang pagdiriwang ng Bagong Taon, bagay na ginagamitan ng alcohol imbis na pulbura.

Miyerkules nang ibahagi ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na sila ng 32 nadidisgrasya dahil sa paputok simula pa noong ika-21 ng Disyembre — bagay na mas mataas nang halos 40% kumpara noong parehong panahon noong nakaraang taon.

"Mula kahapon, Dec. 27, pito (7) ang naitalang bagong kaso ng fireworks-related injury mula sa 61 na DOH sentinel hospitals," sabi ng DOH kanina.

"Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pinsala dulot ng paputok ay nasa tatlumpu’t dalawa (32) na mas mataas ng tatlumpu’t siyam na porsyento (39%) kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa sakop na petsa."

Sa kabila nito, ipinagmamalaki ng kagawaran na mas maliit pa rin ito ng 22% kumpara sa five-year average sa parehong time period.

'Boga at eye injuries nangunguna'

Narito ang listahan ng mga "usual suspects" sa ngayon pagdating sa mga fireworks-related injuries:

  • boga (11)
  • whistle bomb (4)
  • 5-star (3)
  • kwitis (3)
  • camara (2)

Boga, isang "banned" na paputok na gumagamit ng PVC pipe cannon at denatured alcohol, ang bumubuo sa 34% ng lahat ng mga nadidisgrasya sa ngayon.

Sa kabutihang palad, wala pa namang naitatalang nakalunok ng paputok o 'di kaya'y tinamaan ng ligaw na bala sa ngayon.

Mata ang pinakamadalas mapinsalang parte ng katawan sa ngayon:

  • mata (16)
  • kamay (12)
  • braso (4)
  • ulo (1)
  • leeg (1)
  • dibdib (1)

"Sixteen (50%) cases sustained eye injuries while two (6%) cases had blast/burn injuries with amputation," sabi pa ng DOH. 23 o 72% sa mga nasabugan ang actively involved.

69% sa bahay lang nadisgrasya

Western Visayas pa rin ang namumuro sa mga disgrasya (7), bagay na bumubuo ngayon sa 22% ng mga naputukan. Sinundan naman ito ng Bikol (4) at Soccsksargen (4) pareho sa 13%.

Nasa 29 (91%) ng mga nabiktima ng paputok ay mga lalaki. Pinakabata sa mga nadisgrasya ay 1-taong gulang habang ang pinakamatanda naman ay 64-anyos.

"Twenty-two (69%) injuries occured at home while ten (31%) occured in the street," sabi pa ng DOH. Lima ang sinasabing nakainom noong panahon ng injury. Sa apat 13% na napadala sa ospital, wala pa namang naitatalang namatay.

Hinihikayat pa rin ng Kagawaran ng Kalusugan ang lahat na ipagdiwang ang holiday season nang ligtas, at kung maaari'y maghanap ng mga alternatibong paraan ng pag-iingay gaya ng pagkalampag ng kaldero o 'di kaya'y pagpapatugtog.

Show comments