^

Bansa

'14% higher': 25 katao naputukan bago New Year, ayon sa DOH

James Relativo - Philstar.com
'14% higher': 25 katao naputukan bago New Year, ayon sa DOH
A worker makes fireworks at a backyard factory in Marilao, Bulacan, north of Manila, on December 27, 2017.
AFP/Noel Celis, File

MANILA, Philippines — Mas mataas ng 14% ang bilang ng mga nadisgrasya ng paputok ngayon kumpara noong nakaraang taon ilang araw bago ang New Year, ito matapos ang paalala ng Department of Health na gumamit na lang ng ibang pampaingay sa mga pagdiriwang.

"Mula kahapon, Dec. 26, lima (5) ang naitalang bagong kaso ng fireworks-related injury mula sa 61 na DOH sentinel hospitals," wika ng DOH sa isang pahayag, Martes.

"Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pinsala dulot ng paputok ay nasa dalawampu't lima (25) na mas mataas ng labing-apat na porsyento (14%) kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa sakop na petsa."

 

 

Boga, isang iligal na paputok, ang dahilan sa likod ng pinakamaraming disgrasya (32%) sa ngayon:

  • boga (6)
  • white bomb (4)
  • kwitis (3)
  • 5-star (2)

Sa Western Visayas naiulat ang pinakamaraming disgrasya (5), bagay na sinundan naman ng Bikol (3), Central Visayas (3) at Soccsksargen (3).

Narito ang kadalasang napupuruhang parte ng katawan ng mga naturang paputok:

  • mata (13)
  • kamay (8)
  • braso (3)
  • likod (1)

Sa kabutihang palad, wala pa namang naitatalang kaso ng pagkakalunok ng paputok o tinatamaan ng ligaw na bala.

Enero 2017 lang nang maglabas si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na siyang naghihigpit sa paggamit ng paputok. Gayunpaman, ligal pa rin ang paggamit ng ilan dito.

"Umiwas sa paputok para maaaring magdiwang nang kumpleto at ligtas ang buong pamilya ngayong Pasko at Bagong Taon!" sabi pa ng DOH.

"Iwas Paputok para sa isang #LigtasChristmas sa Healthy Pilipinas!"

Una nang inilagay ng kagawaran sa "high-alert status" ang mga pagamutan sa bansa upang agad na malunasan ang mga magtatamo ng pinsala sa pagpasok ng Bagong Taon.

Ika-23 lang ng Disyembre nang maglabas ang Department of Trade and Inustry ng listahan ng mga sertipikadong fireworks at firecrackers bilang gabay sa mga mamimiling nagplaplano para sa paghihiwalay ng taon.

Gumamit ng ibang pampaingay

Hinihikayat tuloy ngayon ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang publiko na humanap ng ibang paraan upang lumikha ng ingay sa pagsalubong ng Bagong Taon palayo sa tradisyunal na paggamit ng firecrackers.

"We have different groups now helping us in disseminating information and providing alternative sources of noise for New Year," ani Vergeire sa isang media briefing kanina.

"Meron po tayong mga grupo na nagtatayo sila noong mga pangmalakihan na... mga sounds and all para lang po magkaroon tayo ng options not to use firecrackers during the New Year."

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang imungkahi ni Vergeire na pwedeng tambulin na lang ang mga kaldero, kawali at drums. Pwede rin daw na buksan na lang ang mga ilaw sa bahay at magsuot ng glow sticks sa pagdiriwang.

Ilan sa mga kilalang "ligtas" alternatibo sa paputok ang paggamit ng mga torotot, ngunit matatandaang nagbago ang tono rito ng DOH nitong mga nagdaang taon.

Taong 2021 lang nang i-discourage ng DOH ang publiko na gumamit ng torotot noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic dahil sa napadadali raw nito ang pagkalat ng nakahahawang virus.

DEPARTMENT OF HEALTH

FIRECRACKERS

FIREWORKS

INJURIES

NEW YEAR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with