MANILA, Philippines — Magkasamang nanawagan ang Manila Water Foundation at Hand Hygiene Alliance Philippines (HAP!), isang business sector-led group, na suportahan ng mga Pinoy ang pagkakaroon ng malinis na mga kamay ngayong Kapaskuhan.
Ito ay nang ilunsad ang “Clean Hands for Christmas”, na isang panel conversation na tampok ang kahalagahan ng malinis na kamay sa mga paaralan at komunidad.
Napapanahon umano ang hakbang dahil ito ay isang paalala sa lahat ngayong holiday season na kapag sama-samang kumakain, maglakbay, magpunta sa parties at anumang get-together celebration ay dapat na maging malinis ang kamay para makaiwas sa mga sakit lalo pa’t patuloy pa rin ang Covid pandemic.
Ang alliance ay binuo bilang tugon para sa global Hand Hygiene for All initiative,isang panawagan para sa sama samang pagkilos at magkaroon ng hand hygiene, access sa pasilidad, produkto at info-educational materials lalo na sa mga disadvantaged areas at vulnerable communities.
Sa mga nakalipas na taon, ang Manila Water Foundation ay naglaan sa mga paaralan at komunidad ng 550 multi-faucet hand hygiene facilities sa buong bansa, bumuo ng comprehensive hygiene education modules at nanguna sa partnerships sa global at Philippine companies na naglaan ng quality hygiene products.
Ang tamang paghuhugas ng kamay ay napatunayan nang daan para mabawasan ang mga sakit tulad ng diarrhea at respiratory infections na maaaring ikamatay ng isang tao lalo na ng mga bata na may 5 taon pababa.