Meralco sa publiko
MANILA, Philippines — Ipinaalala ng pamunuan ng Meralco sa publiko na huwag gagamit at magpapaputok ng firecrackers gayundin ng party props tulad ng lobo at confettti malapit sa linya ng kuryente ngayong holiday season.
Ayon sa Meralco, ang paggamit ng firecrackers at pyrotechnics malapit sa linya ng kuryente at transformers ay maaaring maging ugat ng pagkawala ng kuryente at posibleng aksidente.
Sinabi ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga na kailangang magpatupad ng electrical safety measures ang mamamayan lalo na ngayong holidays.
Ilang safety measures anya ay dapat gamitin ang Christmas lights na may quality control markings at dapat may tamang uri ng paggamit sa loob at labas ng tahanan. Kung maglalagay ng dekorasyon sa labas ay kailangang suriin muna ang connections at posibleng damage lalo na ang power lines.
Anya, dapat iwasan ang ‘octopus’ connections o sala-salabat na linya ng kuryente para maiwasan ang sunog at aksidente. Gamitin lamang anya ang paputok sa labas ng bahay at magdala ng tubig o fire extinguisher. Dapat alam ng miyembro ng pamilya ang paggamit ng fire extinguishers.
Huwag kakalimutan na mag-unplug ng Christmas lights at lanterns bago matulog.
Kung aalis ng bahay, huwag kakalimutan na mag-unplug ng lahat ng appliances. Mas mainam na mag-turn off ng circuit breakers bago umalis ng bahay.
Ayon sa Meralco, may 24/7 service sa panahon ng holiday. Mayroon umanong naka-standby na tauhan ang Meralco upang rumesponde sa anumang power-related emergencies sa buong panahon ng holiday season.
Kung may problema sa suplay ng kuryente, ang mga customers ay maaaring tumawag sa Meralco 16211 hotline o mag-message sa kanilang social media pages sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at Twitter (@meralco), o magtext sa 0920-9716211/0917-5516211.