MANILA, Philippines — Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Disyembre 26, 2022, bilang karagdagang special non-working day sa buong bansa.
Ang deklarasyon ay nakapaloob sa Proclamation No. 115 na inilabas upang “bigyan ang mga tao ng buong pagkakataon na ipagdiwang ang holiday kasama ang kanilang mga pamilya at mga mahal sa buhay.”
Nakasaad din sa proklamasyon na hinihikayat ang mga pamilya sa mas mahabang katapusan ng linggo na magsama-sama at palakasin ang kanilang relasyon tungo sa isang mas produktibong kapaligiran, at magtataguyod ng turismo.
“A longer weekend will encourage families to get together and strengthen their relationship towards a more productive environment, and will promote tourism,” nakasaad sa proklamasyon.
Inutusan ng Pangulo ang Department of Labor and Employment na maglabas ng kaukulang circular para ipatupad ang proklamasyon para sa pribadong sektor.
Ang Araw ng Pasko, na pumapatak ng Linggo, ay isang regular na holiday.
Nauna nang in-update ng Malacañang ang listahan ng regular holidays at special non-working days para sa 2023, na nagpapahintulot sa “long weekends.”
Sa ilalim ng Proclamation 90, ang Enero 2, 2023, na papatak sa araw ng Lunes ay magiging isang karagdagang special non-working day “bilang pagsasaalang-alang sa tradisyon ng mga Pilipino na bumibisita sa kanilang mga kamag-anak at pamilya.”
Ang Enero 1, 2023 ay isa ng regular holiday sa ilalim ng proklamasyon.