Palasyo ng Malacañang, bukas na sa publiko
MANILA, Philippines — Binuksan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko ang Malacañang na anya’y hindi niya bahay kundi ng mga mamamayan.
Sa talumpati ni Marcos sa isinagawang pamimigay ng regalo sa Rizal Park, Maynila, muling inanyayahan ni Marcos ang publiko na bisitahin ang Malacañang at lahat ay maaaring pumasok.
“Welcome kayong lahat. Bukas na ang Palasyo. Hindi ko naman bahay ‘yan eh, bahay niyo ‘yan eh. Kaya binuksan ko na,” ani Marcos.
Sinabi rin ni Marcos na maaari ng mag-istambay sa Malacañang na binubuksan ng alas-7 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga kinabukasan.
“Aanyayahan ko rin pala kayo binuksan namin ang Palasyo, ang Malacañang para ‘yung mga nag-aantay mag-Simbang Gabi pwede mag-standby muna doon sa amin...So nakabukas mula alas-siyete ng gabi, hanggang mga 4:30 ‘pag Simbang Gabi na. So dalhin ninyo doon, basta’t makita naman ninyo ‘yung Palasyo,” ani Marcos.
Tiniyak din ni Marcos na masisiyahan ang mga bata na magpupunta sa Palasyo dahil sa malaking Christmas tree at sa inihanda nilang pagkain.
Sa huli ay hinikayat ni Marcos ang lahat na maghanap ng panahon para magsaya at ilaan ang Pasko sa pamilya.
- Latest