51% Pinoy, umaasang giginhawa ang buhay sa 2023 — OCTA
MANILA, Philippines — Mahigit kalahati ng mga Pinoy adults ang umaasa na giginhawa ang kanilang buhay sa susunod na anim na buwan ng taong 2023.
Batay sa latest survey ng OCTA Research Group na ginawa noong October 23-27, 2022, 51 percent ang umaasang iigi ang buhay sa susunod na taon, 6 percent ang nagsabing titindi pa ang hirap na kanilang mararanasan habang 40 percent ang nagsabing pareho lang ang kanilang magiging buhay at ang natitirang 4 percent ay nagsabing hindi nila alam ang magiging buhay sa 2023.
Nanguna ang Visayas (65%) na malaki ang paniwala na gaganda ang buhay sa susunod na taon, Metro Manila (55%), nalalabing bahagi ng Luzon (49%) at Mindanao (42%).
Sa naturan ding survey, 46 percent naman ng mga Pinoy ang umaasa na gaganda ang ekonomiya ng bansa sa susunod na anim na buwan, 10 percent ay naniniwalang lulubha ang ekonomiya habang 38 percent ang nagsabing pareho lang at 5 percent ang nagsabing walang alam.
Ginamit ng OCTA sa kanilang survey ang face-to-face interviews sa 1,200 respondents.
- Latest