MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutuparin niya ang kanyang pangako na magtayo ng 1 milyong low-cost housing units kada taon.
Inihayag ito ng Pangulo sa groundbreaking ng Palayan City Township Housing Project sa Nueva Ecija, kasabay ang pagtiyak na magkakaroon ng sariling bahay ang mga walang tirahan at mga minimum wage earners.
“I am glad that we are continuing. This is not the first groundbreaking that I have attended. I know that it will not be the last, and that we will continue to break ground in different parts around the country para naman ‘yung ating pinapangarap na1 million homes a year,” ani Marcos.
“‘Pagka naabot natin, at least napakalaking bagay na ‘yan na nabigyan natin ng solusyon ang problema ng pabahay ng ating mga kababayan,” dagdag ni Marcos.
Pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), gayundin ang local government units (LGUs), sa kanilang papel sa pagpapatupad ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program.
Kumpiyansa ang Pangulo na magiging matagumpay ang mga proyektong pabahay.
Nitong Nobyembre nangako si Marcos na magtatayo ng hindi bababa sa 1 milyong bahay bawat taon, bilang bahagi ng pagsisikap ng kanyang administrasyon na tugunan ang backlog ng pabahay sa bansa.
Ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program ay isang flagship housing project ng administrasyong Marcos na naglalayong magbigay ng humigit-kumulang 6 milyong Pilipinong benepisyaryo ng ligtas, abot-kaya at komportableng tahanan.
Isang memorandum ng kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng DHSUD at ng mga institusyong pinansyal ng gobyerno para pondohan ang mga proyekto sa pabahay ng departamento.