MANILA, Philippines — Kung si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang masusunod, nais nitong ibalik ng Philippine National Police (PNP) ang Oplan Tokhang.
Sa panayam sa Headstart ng ANC, sinabi ni Dela Rosa na dapat isaalang-alang ng PNP ang muling pagbuhay sa kontrobersyal na kampanya laban sa droga na Oplan Tokhang kasunod nang “pagbabalik” aniya ng mga sindikato ng droga sa bansa.
Pero aminado si Dela Rosa na hindi niya maaaring diktahan ang PNP dahil mayroon itong sariling programa laban sa ilegal na droga.
Matatandaan na pinangunahan ni Dela Rosa ang PNP noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan naging kontrobersiyal ang kanilang anti-narcotics crackdown na literal na kumakatok sa mga pintuan ng mga pinaghihinalaang kriminal o mga gumagamit at nagtutulak ng droga.
Ipinagmalaki ni Dela Rosa na naging matagumpay ang kanilang kampanya at bumaba aniya ng halos 50 percent ang crime volume dahil sa Oplan Tokhang.
“Kaya tayo nag-wage ng war in order to make our environment safe and we achieve a lot,” ani Dela Rosa.
Ayon sa opisyal na tala, nasa 6,200 katao ang namatay sa kampanya laban sa droga bagaman at sinasabing higit pa rito ang totoong bilang.
Samantala, tinanggihan din ni Dela Rosa ang petisyon ng isang International Criminal Court prosecutor na ipagpatuloy ang imbestigasyon nito sa drug war at Davao Death Squad killings sa Pilipinas.
Ang pagsuporta sa drug war probe ng ICC ay mangangahulugan aniya nang hindi paggalang sa mga lokal na korte.
Nangangamba si Dela Rosa sa kahihinatnan ng imbestigasyon ng ICC dahil binubuo ang tribunal ng mga dayuhang hukom.
Nauna nang tumanggi si Dela Rosa na makipag-cooperate sa imbestigasyon ng ICC dahil para na rin niyang sinunog ang kanyang sarili.