MANILA, Philippines — Umaabot na sa 279 pulis ang tinanggal sa serbisyo sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. kinabibilangan ito ng mga pulis na nahatulang guilty sa paglabag sa batas at iba pang alituntunin ng kapulisan.
Batay sa datos ng PNP, ang 279 sinibak na pulis ay kabilang sa 1,211 PNP na kinastigo mula July 1hanggang Dec. 7 ngayong taon.
Sinabi ni Azurin na kabilang din sa 1,211 ang 79 na napatawan ng parusa at na-demote, 472 ang sinuspinde at 381 naman ang hindi pinasweldo, at hindi nabigyan ng mga pribilehiyo.
Tiniyak ni Azurin na hindi kukunsintihin ng PNP ang baluktot na gawain ng mga pulis sa halip ay patuloy ang kanilang pagdidisiplina sa mga pulis na nalilihis sa pagseserbisyo. Pananatilihin nila ang tiwala ng publiko at pagseserbisyo sa mas nakararami.
Nauna nang tiniyak ni Azurin na ipagpapatuloy ang internal cleansing sa PNP, sa pamamagitan ng Internal Affairs Service at ng Integrity Monitoring and Enforcement Group.