Tulong medikal ng CDA pinuri ni Bong Go

MANILA, Philippines — Dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa pagbubukas ng Cooperative Development Authority-Philippine Charity Sweepstakes Office Partnership Program on Medical Assistance for Cooperatives (PMAC) sa CDA Main Office sa Quezon City.

Bilang bahagi ng inisyatiba, ang mga miyembro ng micro at small cooperative na may mga isyu sa kalusugan ay makatatanggap ng tulong pinansyal mula sa Charity Fund na itinatag sa pamamagitan ng PCSO.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Go ang CDA sa malasakit sa kalagayan ng mga kooperatiba bilang pagtupad sa mandato nito. Dagdag pa rito, hinimok niya silang ipagpatuloy ang pamimigay ng tulong sa mga hopeless at helpless.

“Ako po’y nagpapasalamat sa CDA sa inyong inisyatibo, itong Malasakit sa Kooperatiba,” aniya.

“Nakapapagod rin pero mas fulfilling po ‘pag nakakatulong ka sa iyong kapwa Pilipino lalung lalo na po ‘yung mga mahihirap, ‘yung mga walang matakbuhan, ‘yung mga helpless, ‘yung mga hopeless. Tulungan po natin sila,” dagdag niya.

Noong Marso 7, 2022, nilagdaan ng CDA at PCSO ang isang memorandum of agreement upang palakasin ang papel ng cooperative hospitals bilang mga kasos­yo habang nag-aalok ng mga serbisyong medikal at kalusugan sa mga micro at small cooperatives.

Samantala, binigyang-diin ni Go na mayroon na ngayong 153 Malasakit Centers sa buong bansa, na nagpapadali sa pag-access sa mga programang tulong medikal at pinansyal na iniaalok ng gobyerno.

Show comments