Diesel, posibleng tumaas ng higit P1 sa susunod na linggo

MANILA, Philippines — Nagtapos ang apat na linggong sunud-sunod na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa asahan naman ang oil price hike sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy.
Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, mayroon silang nakikitang bahagyang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pagtaya, posible umanong magkaroon ng P1.40 hanggang P1.60 na dagdag-presyo sa bawat litro ng diesel.
Mas maliit naman sa gasolina na maaari umanong umabot lang sa P0.10 hanggang P0.30 kada litro ang maging pagtaas sa presyo.
Maaari rin umanong umabot sa P1 kada litro ang madadagdag sa presyo ng kerosene.
Ang pagbubukas ng ekonomiya ng China at pagtaas ng demand sa langis ang isa sa mga nakikitang dahilan sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Nitong nakaraang Martes, umabot sa P3.40/L ang natapyas sa presyo ng diesel, P1.70/L sa gasolina, at P4.40/L sa kerosene. — Angie dela Cruz
- Latest