Marcos: Trabaho sa lahat ng Pinoy, pangarap ko
MANILA, Philippines — Pangarap umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabigyan ng trabaho ang lahat ng mga Filipino para hindi na sila mapilitang mag-abroad para lamang makapaghanapbuhay.
Sa pagharap ni Marcos sa Filipino Community sa Brussels, Belgium sinabi nito na kaya nagsisikap ang kanyang administrasyon na manghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan para mas maraming trabaho ang maibigay sa mga Filipino.
Kaya sana ay dumating na umano ang nasabing panahon dahil pangarap niya na wala ng kailangan umalis ng Pilipinas dahil walang mahanap na trabaho sa Pilipinas.
Umaasa naman ang Pangulo na maabot ang nasabing pangarap at kung mangingibang bansa ay dahil may mas magandang oportunidad at hindi dahil napipilitan na lamang.
Subalit nasa mga tao pa rin umano ang pagpapasya kung ano ang pipiliin para na rin sa kanilang professional growth at pag-unlad.
Dahil dito kaya nabuo ng kaniyang administrasyon ang 8-point program na layuning palakasin ang ekonomiya at gumawa ng maraming trabaho na angkop sa pandaigdigang labor standards.
Iginiit pa ni Marcos na ang kailangan lamang ay magkaisa ang sambayanan at suportahan ang mga ginagawa ng administrasyon upang makamit ang pangarap para sa mga Pilipino.
- Latest