MANILA, Philippines — Habang maaga ay dapat ng turuan sa kahalagahan ng pagtatanim tulad ng gulay at mga puno ang mga bata sa elementarya upang sumulong ang agrikultura sa bansa.
Ito ang nilalaman ng House Bill (HB) 6535 na isinusulong ni 3rd District Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado.
Ayon kay Bordado, kailangang maganyak o mahikayat na ang mga kabataan na magtanim ng mga puno, gulay at iba pa.
Binigyan diin ng kongresista na bilang isang bansang malawak ang lupain ay dapat mapagtanto ng mga kabataang mag-aaral ang potensyal ng Pilipinas bilang isang agrikulturang bansa.
Aniya, habang bata pa ay dapat ng mahubog ang interes ng mga kabataang mag-aaral sa pagtatanim na malaki rin ang maitutulong sa pagyabong ng ekonomiya.
Sakaling mapagtibay bilang batas ang HB 6535 ay may mandato sa Department of Education na magtakda ng klase sa agrikultura sa lahat ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa elementarya.