MANILA, Philippines — Inilabas na kahapon ng National Telecommunications Commission (NTC) ang implementing rules and regulations (IRR) para sa SIM Card Registration Act, na may kaakibat na mabigat na parusa para sa mga telephone companies (telcos) at subscribers na mabibigong tumalima sa batas.
Alinsunod sa IRR ng NTC, ang mga telco subscribers na tatanggi o mabibigong magrehistro ay mahaharap sa deactivation ng kanilang SIM card.
Ang mga telco operators o public telecommunications entities (PTE) naman na tatangging irehistro ang SIM ng subscriber ng walang balidong dahilan, ay mahaharap sa multang hanggang P1 milyon.
Kailangan din ng subscribers na magprisinta ng larawan, at ng alinmang valid government-issued ID sa pagrerehistro ng kanilang SIM.
Nakasaad sa IRR na ang lahat ng SIMs ay dapat na rehistrado, kabilang na ang eSIMs, at maging ang mga SIM na para lamang sa data, gaya ng mga ginagamit para sa wireless broadband modems, machine-to-machine communications at IoT (internet of things) devices.
Mayroong 180 araw ang subscribers para irehistro ang kanilang SIM, simula sa pagiging epektibo ng batas. Ang mga SIM na hindi mairerehistro ay hindi na magagamit o made-deactivate.
Maaari naman i-reactivate ang mga SIM matapos irehistro ang mga ito, ngunit hindi dapat na mas matagal sa limang araw matapos ang deactivation.
Ang mga individual registrants ay kailangang magbigay ng full name, birth date, sex, official address, uri ng ID na iprinisinta at kanilang ID number.
Ang mga negosyo na magrerehistro ng SIM ay kailangang ibigay ang kanilang business name, address at buong pangalan ng authorized signatory nito.
Ang mga dayuhan na magrerehistro ng SIM ay dapat magpakita ng passport at address sa Pilipinas.
Anang NTC, ang mga subscribers na magbibigay ng pekeng pangalan o impormasyon sa pagrerehistro ay maaaring makulong ng hanggang 2 taon na may multang hanggang P300,000.
Kailangan ng mga telcos na i-deactivate ang mga SIMs na ginagamit sa fraudulent texts o calls matapos ang imbestigasyon.
Mahaharap sa multang hanggang P300,000 o pagkabilanggo ng hanggang anim na taon ang mga taong magbebenta o magta-transfer ng isang rehistradong SIM, nang hindi tumatalima sa kaukulang registration.
Anang NTC, ang naturang parusa ay ia-aplay din sa mga magbebenta ng nakaw na SIM.