MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) ang pagdaraos ng mga “unannounced earthquake at fire drills” sa mga paaralan tuwing una at ikatlong linggo ng bawat buwan.
Ito, ayon sa DepEd, ay upang matiyak ang kahandaan ng mga estudyante at mga school personnel, sakaling magkaroon ng lindol o sunog sa mga paaralan.
“These drills are to ensure that all learners are properly guided on what should be done during and after an earthquake or occurrences of fire in schools,” atas ng DepEd.
Ang mga paaralan naman sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ay inatasan ding bumuo ng hiwalay at ispesipikong disaster plan para sa mga lindol na nasa magnitude 7 o mas mataas pa.
Ipinaliwanag pa ng DepEd na bukod sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga estudyante at mga school personnel, ang local drills at simulation exercises ay preventive measures din upang maging pamilyar sila sa escape routes sa mga paaralan at pagpapatupad ng tamang pamamaraan sakaling magkaroon ng kalamidad.
Nanindigan ang DepEd na ang pagkakaroon ng epektibong kahandaan ay makatutulong upang magligtas ng buhay.