SSS, PhilHealth contribution tataas simula Enero 2023
MANILA, Philippines — Magkakaroon ng pagtaas sa kontribusyon ng mga miyembro sa PhilHealth at Social Security System (SSS) simula Enero 2023.
Umaabot sa 1 percent ang taas sa kontribusyon sa SSS kasabay ng paglaki ng salary credit ng mga empleyado na P30,000. Ang taas ay aakuin ng mga employer alinsunod sa SSS Law.
Inihalimbawa ng SSS na kung ang sahod ng isang miyembro ay P35,000 kada buwan, aabutin sa P4,200 ang magiging kontribusyon nito simula Enero 2023 mula sa kasalukuyang P3,375.
“Yung increase po ng contribution na 1 percent will be borne by our employers, hindi po sa empleyado hetong 2023 ‘yung increase na 1 percent,” paglilinaw ni SSS President at CEO Michael Regino.
Binigyang diin ni Regino na pabor ito para sa mga miyembro dahil may forced savings na ang kontribusyon pagdating ng retirement nito.
Samantala, .5 percent naman ang magiging dagdag sa kontribusyon sa PhilHealth mula sa kasalukuyang 4 percent o magiging 4.5 percent simula sa Enero.
Inihalimbawa dito na kung ang sahod ng manggagawa ay P10,000, tataas ng P450 ang hulog nito mula P400 samantalang kung mas mataas sa P10,000 hanggang mababa sa P80,000 ang sahod ng manggagawa, aabutin sa P50 hanggang P850 ang magiging dagdag-kontribusyon ng PhilHealth members.
“Kung P90,000 and above, isa lang ang babayaran nyan P4,050 a month so kung employed ka hati kayo ng employer nyo, 50-percent, 50 percent,” sabi ni PhilHealth Spokesperson Shirley Domingo.
Niliwanag ni Domingo na ang taas kontribusyon sa PhilHealth ay upang mapahusay ang benepisyong natatanggap ng mga miyembro.
Nais naman ng pamunuan ng Pag-IBIG Fund na kunin muna ang panig ng mga employers at manggagawa bago maipatupad ang tungkol sa plano nilang dagdag na P100 sa kasalukuyang P100 kontribusyon.
- Latest