Customs nagsampa ng reklamo vs 'pag-aabandona' sa 7,000 Balikbayan boxes
MANILA, Philippines — Nagsampa na ng reklamong kriminal ang Bureau of Customs (BOC) laban sa ilang consolidators at deconsolidators na nag-abandona raw sa mahigit 7,000 padala ng overseas Filipino workers bago ang Pasko.
Ibinahagi ito ng Customs, Miyerkules, sa isang pahayag na ipinaskil sa kanilang opisyal na Facebook page.
Ilan sa mga consolidators at deconsolidators na humaharap sa kasong kriminal ay ang sumusunod:
- All Win Cargo LLC
- Island Kabayan Express Cargo LLC
- Carlos Martin Guinto Co.
- GM Multi Services
- Anhar Al Mawalah Trading
- CMG Int’l Movers and Cargo Services
- Cargoflex Haulers Corp.
- FBV Forwarders and Logistics, Inc.
- Etmar Int'l Logistics.
Ang pangalan ng mga nabanggit ay nanggaling mula sa datos ng BOC at sa mga natatanggap nilang reklamo mula sa mga OFWs.
"Para sa ating mga kababayang OFW na naging biktima ng mga nasabing kumpanya, maaari kayong makipag-ugnayan sa BOC para patibayin ang mga kaso laban sa mga nasabing mapagsamantalang consolidators at deconsolidators," sabi ng kawanihan.
"Maaaring mag-email sa [email protected], ilagay ang [BALIKBAYAN BOXES] bilang email subject, at ibigay ang inyong contact details para sa mas mabilis na pakikipag ugnayan."
Pinaaalalahanan ng gobyerno ang lahat ng manggagawang Pilipino abroad na mag-ingat sa pagpili ng forwarding companies na gagamitin sa pagpapadala ng Balikbayan boxes, na siyang inaabangan nang maraming pamilyang Pinoy ngayong holiday season.
Ayon sa taya ng Philippine Statistics Authority na inilabas nitong Marso, aabot na sa 1.77 milyon ang OFWs ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa upang magtrabaho noong 2020.
Maaaring tumawag sa hotline na (02) 8705-6000 para sa mga detalye at katanungan.
- Latest