MANILA, Philippines — Tila naiinip na rin maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mabagal na pagpapalabas ng Philippine Statistics Office (PSA) ng digital version ng Philippine Identification System (PhilSys) ID.
Ito’y matapos atasan ni Marcos ang PSA na madaliin ang maramihang pag-imprenta ng digital version ng PhilSys ID at isunod ang pagpi-print ng physical ID.
“Let us print out as much as we can and then isunod natin ‘yung physical ID as soon as we can,” sabi ng Pangulo sa kanyang meeting kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at mga opisyal ng PSA.
Sa nasabing pagpupulong ay napag-usapan ang kakayahan na mag-imprenta gayundin ang “late start ng flow of data at volume of data”.
Tiniyak naman ni PSA Undersecretary Dennnis Mapa na makikipagtulungan sila sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para pabilisin ang produksyon at pag-imprenta ng Phil ID.
Paliwanag pa ni Mapa, na ang dagsa ng mga nagpaparehistro ng PhilSys ID ang dahilan sa delay ng imprenta ng national ID cards.
Matatandaan na Oktubre nang simulan ang implementasyon ng printed digital version ng Phil ID habang hindi pa naman nakakagawa ng physical ID na katulad ang disenyo ng isang ATM card.