MANILA, Philippines — Para mabuhay nang "disente" ang isang pamilya sa Metro Manila na may limang miyembro, kakailanganin na nila ang halos P25,000 buwan-buwan dahil sa bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin.
Inilabas ng IBON Foundation ang naturang estimasyon, Martes, parehong araw kung kailan ibinalita ng Philippine Statistics Authority ang pagpalo ng inflation rate sa 8% nitong Nobyembre 2022 — ang pinakamataas sa lagpas 14 taon.
Related Stories
"A family of five in [the National Capital Region] should recieve a wage of Php 1,140/day or Php 24,803/month in order to live decently," sabi ng economic think tank sa isang pahayag kanina.
Reported 8% Nov inflation is the highest in 14 years. Soaring inflation is pushing up the cost of living. This makes a substantial wage increase, ample cash assistance and subsidies for poor and vulnerable sectors all the more urgent. #PeopleEconomics #MayMagagawa pic.twitter.com/X5dly09hRS
— IBON Foundation (@IBONFoundation) December 6, 2022
Kapansin-pansing malayo-layo ito sa hanggang P570 minimum wage sa Metro Manila, na siyang pinakamataas sa buong Pilipinas.
Kapag tumataas ang presyo ng mga bilihin ngunit hindi tumataas ang sahod/sweldo, lumiliit ang tunay na halaga ng huli. Mas kumokonti kasi ang pwedeng mabili ng parehong halaga ng pera tuwing nangyayari ito.
Ang tinatayang family living wage noong Oktubre ay nasa P1,133/araw o P24,632/buwan.
"Reported 8% inflation in November is the highest in 14 years. Soaring inflation is pushing up the cost of living and the mandated minimum wage can’t keep up," dagdag pa ng IBON.
"This makes a substantial wage increase, ample cash assistance and subsidies for poor and vulnerable sectors all the more urgent."
Nobyembre lang nang ipanawagan ng government workers sa pangunguna ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) na dapat nang itaas sa P33,000 kada buwan ang minimum wage para sa kanilang sektor upang mailapit ito sa makatotohanang family living wage.
Pinag-aaralan naman na ngayon ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr. ang panawagang ito ng mga kawani ng pamahalaan. Ipinapangako ng senador na siya mismo ang maghahain ng panukalang batas para rito kung mapatutunayang "feasible" ito.
Una nang sinabi ng Department of Budget and Management na kakailanganin muna ng batas mula sa Konggreso para maitaas ang kasalukuyang sweldo. — James Relativo