MANILA, Philippines — Nakatakdang ipagbili sa mga Kadiwa stalls sa mas murang halaga ang saku-sakong puting sibuyas, na nakumpiska kamakailan ng mga otoridad sa Divisoria, Maynila.
Tiniyak naman ni Department of Agriculture (DA) deputy spokesperson Rex Estoperez na isasailalim muna nila ang mga sibuyas sa phytosanitary inspection bago tuluyang maipagbili sa Kadiwa stalls.
“Ang tanong namin ay kapag ‘yan ba ay nilabas sa merkado, sa Kadiwa, ligal o maayos ba ‘yan? Bago natin ilalabas ‘yan, tignan muna kung safe ‘yan o hindi kasi hindi natin masasabi,” aniya sa panayam sa radyo.
Dagdag pa niya, sinabi na rin ni DA Undersecretary Domingo Panganiban, na kung mapatunayang ligtas kainin ay ipagbibili nila sa murang halaga ang mga sibuyas sa Kadiwa stalls upang mapakinabangan ng ating mga kababayan.
Nabatid na ang mga naturang sibuyas ay nagkakahalaga ng P30 milyon, ay pinaniniwalaang ipinuslit papasok ng bansa.
Dinala na ang mga ito sa bodega ng Bureau of Plant Industry (BPI) para sa imbentaryo, sakay ng truck ng Philippine National Police (PNP).
Una nang sinabi ng BPI na ang mga naturang sibuyas ay walang phytosanitary permit.
Nangangahulugan umano ito na maaaring hindi ito ligtas para sa human consumption, bunsod ng posibilidad na mayroon itong taglay na mga kemikal.
Dapat sana ay isi-shred ang mga sibuyas at saka gagawing pataba.