BFAR atras muna sa imported fish ban
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Biyernes ang pagbabawal sa pagtitinda ng mga imported na isda tulad ng salmon at pampano sa mga palengke at grocery na nakatakda sanang ipatupad sa Disyembre 4.
Idineklara ang moratorium sa pagpapatupad sa Fisheries Administrative Order (FAO) No. 195, na ang ibig sabihin ay papayagan pa rin ang pagbebenta ng mga imported na isda sa mga wet market.
Ayon kay BFAR officer-in-charge Demosthenes Escoto, rerebyuhin muna nila ang naunang kautusan sa pag-aangkat ng mga imported na isda lalo na at nakasaad sa FAO 195 na pinapayagan ang importasyon ng isda para sa canning, processing, at trade to institutional buyers.
Sinabi pa ni Escoto na mananatili ang moratorium hanggat walang nabubuong bagong regulasyon.
Tiniyak naman ng BFAR na patuloy na poprotektahan ng kanilang hanay ang interes ng mga consumer ng mga Filipino pati na ang mga fisheries stakeholders.
Titiyakin din aniya ng BFAR na magkakaroon ng food security ang bansa.
Nabatid na matagal na umanong bawal ang pagbebenta ng mga imported isda sa mga palengke dahil sa FAO No. 195 na nilagdaan noon pang 1999.
Sabi ng BFAR, paraan nila ito para tulungan ang mga lokal na mangingisda, para tangkilikin ng publiko ang mga isdang nahuhuli sa bansa.
- Latest