Kaso ng HIV sa Pinas, pinakamabilis sa Asya

Inihayag ng UNAIDS na sa buong mundo, nasa kabuuang 38.4 milyong tao na ang namumuhay na may HIV nitong katapusan ng 2021.
AFP

MANILA, Philippines — Nangunguna nga­yon ang Pilipinas sa may pinakamabilis na paglaki ng bilang ng impeksyon ng HIV sa buong Asya Pasipiko, ayon sa pinakahuling datos ng United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS).

Inihayag ng UNAIDS na sa buong mundo, nasa kabuuang 38.4 milyong tao na ang namumuhay na may HIV nitong katapusan ng 2021.

“In the Asia and Pacific Region, the Philippines has the fastest growing HIV case with a 237% increase in annual new HIV infections from 2010-2021. In the same period, AIDS-related deaths have increased by 315%,” ayon sa DOH.

Kasabay ng paggunita sa World AIDS Day, inilunsad ng DOH ang 7th AIDS Medium Term Plan (AMTP) para maabot ang harangin na mawakasan ang pagiging banta sa kalusugan ng AIDS pagsapit ng 2030.

Isinusulong ng programa ang karapatan ng mga taong nabubuhay ng may HIV, pagpapataas ng serbisyo para sa kanila, proteksyon ng ‘sexual and reproductive health’ ng publiko, pagpapalakas ng HIV testing, gamutan, pangangalaga at pagbibigay ng suporta sa kanila.

Sa kasalukuyan, nasa 107,177 na ang kaso ng HIV at AIDS mula nang unang madiskubre ito sa Pilipinas noong Ene­ro 1984. Nitong Oktubre 2022, nasa 1,383 ang bagong tuklas na mga kaso na may 65 sa kanila ang nasawi.

Show comments