Marcos sa mga Pinoy: Andres Bonifacio tularan, maging mabuting mamamayan
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga Filipino na kilalanin at tularan ang kabayanihan ni Gat. Andres Bonifacio.
Ito ang sinabi ni Marcos sa kanyang pagdalaw sa Monumento Circle sa Caloocan city kung saan nag-alay siya ng bulaklak sa harap ng bantayog ni Bonifacio bilang paggunita sa kanyang ika-159 kaarawan.
Nanguna rin ang Pangulo sa pagtataas ng watawat at kasama niya sa pag-aalay ng bulaklak si Dr. Rene Escalante, chairman ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff (AFP) Lt. General Bartolome Vicente Bacarro kasabay ng pagbibigay ng 21-gun salute.
Sinabi ng Pangulo na inaalala ang kalayaang tinatamasa ngayon ng mga Filipino at nanatiling buhay ang diwa ng ipinaglaban ni Bonifacio sa pamamagitan ng mga kuwento at ginagawa na may kaakibat na “sense of duty” at pagiging makabayan.
Ayon pa kay Marcos, ang mga lantad na idea ng ama ng Philippine revolution na ang kabayanihan ng ating mga ninuno ay naipamana para malabanan ang mga mananakop.
Ito umano ang nagsisilbing hamon ngayon para mapreserba, mapanatili at maprotektahan ang bansa sa gitna ng mga pagsubok ng panahon.
Iginiit pa ng Pangulo na dapat tayong maging mapagmatyag at protektahan ang ating bansa laban sa mga sakit ng lipunan at iba pang mga elemento na nagbabanta sa ating lipunan.
Kasabay nito kaya hinikayat ni Marcos ang mga kapwa Filipino na bigyan ng pagkilala ang buhay ni Bonifacio sa pamamagitan ng pagiging mabuting mamamayan na mag-aambag ng kabutihan tungo sa maliwanag na kinabukasan para sa lahat.
- Latest