MANILA, Philippines — Nagpiyansa si dating Department of Energy secretary Alfonso Cusi makaraang tuluyang masampahan sa Valenzuela City Regional Trial Court ng kasong cyber libel na inihain ni Sen. Sherwin Gatchalian ukol sa kaniyang pahayag na nailathala sa DOE website.
Inilabas ang 20-pahinang resolusyon ng pagsasampa ng “indictment” kay Cusi noong Nobyembre 14 na pinirmahan ni Senior Assistant City Prosecutor Rudy Ricamor.
Nag-ugat ang kaso nang maglabas ang Senado ng resolusyon na nagrerekomenda na sampahan ng kaso si Cusi at ibang opisyal ng DOE hanggang sa makarating ito sa Office of the Ombudsman. Noong Pebrero 4, 2022, inilathala sa DOE website ang pahayag ni Cusi na pinakikinggan umano ni Gatchalian ang mga may “adversarial business interest”.
Sa paghahain ng kaso, iginiit ni Gatchalian na ang pahayag ni Cusi ay may malisya sa kaniyang reputasyon at integridad maging sa imbestigasyon na isinasagawa ng Senate committee on energy na kaniyang pinamumunuan.
Sa kaniyang depensa, sinabi ni Cusi na walang malisya sa kaniyang post na umano’y parte lang ng kritisismo sa uri ng pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senado.
Nag-ugat ang resolusyon laban kay Cusi matapos ang serye ng pagdinig sa Senado na isinagawa ng Committee on Energy, kaugnay ng pagbebenta ng 45% participating interest ng Chevron Philippines sa Chevron Malampaya sa UC Malampaya, na dating pag-aari ng negosyanteng si Dennis Uy.
Naglabas ng e-warrant of arrest laban kay Cusi ang RTC noong Nob. 21, 2022 at nagpiyansa naman si Cusi nitong Nobyembre 25.